Sa kalsada may tatlong kulay, nad'yan ang dilaw, puti at pula.
Madalas na sinisisi ng puti at pula na ang dilaw ang sanhi ng mabigat na trapiko, sapagkat, karamihan sa populasyon ay dilaw.
Halos araw-araw, ang bawat tao ay umaasa sa dilaw, makapunta lamang sa kanilang mga eskwelahan, trabaho o saan mang destinasyon.
Ang puti, ang mga mapapalad sa buhay, ang mga puti, iba't-ibang ang hugis at disenyo ng puti, may malalaki, may maliliit. May pang-apatan, may pang-maramihan.
Madami sa mga dilaw ay umaasa na balang araw, maging puti rin ang kanilang hawak. Iilan sa mga puti ay nakakaangat sa estado ng buhay, marahil sila-sila rin mismo ang naghahatakan pababa.
Ang puti ang sumisimbolo sa pribilehiyo na kanilang pinanghahawakan at minsan, (madalas) pinangangalandakan.
Ang pula, kakaunting porsyento lamang ang pula, sila ay sumisimbolo sa batas, sa awtoridad. Madaming dilaw, ang galit sa pula, ngunit mayroon ding iilan na umaasa sa pula para na rin maiangat and estado ng dilaw.
Iilan sa pula, ang umaabuso, kakaunti na lamang ang may puso. Ginagamit ang utak para sa kanilang sariling mundo, nawawala na ang tunay na prinsipyo.
Ngunit sa totoo lamang, sino nga ba talaga ang hari ng kalsada?
Sinasamba ng iilang pula ang puti, ang pula ay lumalabas para sa dilaw, samantalang ang dilaw naman ang dahilan kung bakit may puti at pula.
Sa ngayon, ang mahalaga, lahat ng kulay ay nasa tahanan muna, tanging iilang kulay lamang ang dapat nasa kalsada hangga't wala pang bakuna.
No comments:
Post a Comment